Akala ko ordinaryong gabi lang ulet. Akala ko makakatulog lang ulit ako ng mahimbing gaya ng mga nagdaang araw. Kaso nagkamali na naman ako. Kasalanan ba kapag sinabi kong masakit padin? Kasalanan ba kapag inamin kong may kurot padin sa tuwing maaalala ko? Kung hawak ko lang sana ang mga bagay na pwede at di pwedeng kong maramdaman, natural pipiliin ko naman na hindi masaktan.
Alam ng Diyos kung paano ko pinilit na maging malakas nung mga panahong iyon. Kahit alam niya mahina ako. Alam niya kung paano ako tumayo ng mag-isa at malayo sa pamilya sa pagkakadapa ko na yun. Tinuruan niya akong lumaban ng tahimik at may dignidad. Ginabayan niya ko kung paano manalo sa panahong pakiramdam ko talong-talo ako. Ganon pala kapag wala kang ibang pwedeng gawin kung hindi magpakalakas. Tumatapang ka ng biglaan. Hindi mo namamalayan unti-unti ka na palang lumalakas. Pakiramdam mo nagiging bato ka na wala ng pakiramdam. Pinipilit mong tumawa at ienjoy ang buhay kahit sa loob mo may mali.
May napanuod kasi ako kaya ito gumagalaw na naman ang mga daliri ko sa dinidikta ng utak ko. Sumisigaw na naman ang puso ko sa sari't-saring nararamdaman nito. Gusto ko sanang pigilan kaso masarap din naman ilabas to. Ilang buwan ko din naman itinago. Ilang buwan din naman akong nagpasaya ng ibang tao kahit ako sa sarili ko duda kung ayos ba talaga ako. Kapag pala may naalala ka o nakita na makakapagpaalala sayo, babalik at babalik yun. Kahit gaano mo labanan. Wala kang kontrol.
Minsan iniisip ko paano kaya maghihilom yung mga sugat na hanggang ngayon meron padin? sabi nila TIME heals all wounds. Pero siguro kahit tumagal may maiiwan pading peklat, na sa tuwing makikita ko makakapagpaalala padin sakin ng nakaraan?? Paano nga ba makalimot?? May alam ka ba???
Madami na naman magagalit sakin sa sinulat ko na to. Yung mga taong pinangakuan kong magiging ok na ako. Mga kaibigang tumayo at lumaban kasama ko. Sa panahong akala ko hindi ko kaya. Nag-isip pa nga ako ng ilang beses kung ipupublish ko ba to o hindi. Pero diba wala naman masama na minsan aminin nating mahina tayo, na nasasaktan tayo. Nakakabawas ba talaga sa pagkatao?? Mas binigyan ko ba sila ng karapatang saktan pa ako? Hindi naman siguro,tao lang naman ako.
Hindi ko alam kung paano tatapusin. Siguro masarap lang na umiyak ulit. Medyo gumaan na naman yung pakiramdam ko. Ang sarap din talagang isulat lahat dito. Alam ko may masasabi yung iba, pero bahala na kayo. Alam ko mas madami padin yung mga kaibigan kong mas makakaintindi sakin. At sila ang papakinggan ko hindi kayo.
Alam mo ba kung ano yung napanuod ko???Baka mas nauna ka pa sakin napanuod yun. Ang ganda ng pelikula. Tumatagos sa puso ang bawat eksena at salita. Sigurado ako madami ding naka-relate. Ayan tuloy nabuhay na naman yung mga natutulog na emosyon na pilit kong nilalabanan. Pasyensya ka na ha.
Pilit ko mang ipangako na huli na to, duda padin ako sa sarili ko. Kaya sana kung nabasa mo man ito o may mababasa ka pa sa mga susunod na araw, linggo o buwan, pagtiisian mo na muna. Dadating din yung araw na may iba ka ng makikita at mababasa dito. Magiging masaya ka na at hindi na iiyak kasama ko. Pagdating ng araw may iba na akong ikwekwento sayo. Sana makapaghintay ka pa. Sana malaman mo padin na ok na talaga yung may-ari ng blog na to. Balang-araw.
Oh sige, magpapaalam na ko. Nailabas ko nadin naman ang mga bagay na dapat matagal ko ng ibinahagi. Naisulat ko na ang mga issue na dati sarili ko lang ang nakakadinig. Salamat ulit sayo ha. Hindi mo din ako iniwan. Salamat.
Magiging okay din ang lahat. Sa tamang oras. Sa tamang panahon. Maghihintay lang ako. At kapag dumating yun, pangako, ikwekwento ko ulit sayo kaibigan. (^_^)
P.S.
Salamat sa kaibigan nagpahiram ng likod niya para maiyakan ko. Mwih!