Oct 4, 2011

Pagkalipas ng Isang Taon

Ang bilis ng araw, OCTOBER na pala. Hindi ko na namalayan ang mabilis na paglipas ng panahon. Mag-iisang taon na pala ako dito sa Saudi. Parang kahapon lang nasa bahay ako at nakikipaglaro sa mga kapatid ko o naglalakad sa mainit na siyudad ng Maynila para makipagsapalaran. Hindi mo talaga masasabi ang buhay, kung magmumuni-muni kasi ako sa mga nagyari sa loob lamang ng isang taon, isa lang masasabi ko, ang dami na palang nagbago.

ISANG TAON na pala akong malayo sa pamilya ko. Sa mga taong kasama kong tumanda at natuto sa buhay. Mga mahal ko na kahit minsan hindi ako iniwan. Mga taong kahit mahirap ang buhay, hindi sumuko kasama ko, basta sama-sama lang kami. Matagal-tagal nadin pala akong wala sa piling nila. Pilit na tumatayo mag-isa dahil ito naman talaga ang pinangarap ko mula pa noon. Pinapatunayan na sa bandang huli para din naman sa amin lahat ito. Kailangan lang magtitiis na lang muna.

ISANG TAON na pala akong nagtratrabaho. Ilang buwan ng pakikipagsapalaran at pakikipaglaban sa lungkot. Minsan nakakapagod din, nakakaubos ng lahat ng pwede mong ibigay, nakakawala ng pasyensya, nakakalimot ng tamang pag-uugali at nakakawala ng respeto. Pero tao lang naman ako, hindi sa lahat ng oras ay matapang at malakas. Dumadating din sa punto na gusto ko naman magpahinga muna, kahit sandali, makalimot man lang.

ISANG TAON na pala akong OFW. Noong bata pa ako, saludo ako sa tinatawag nilang mga Bagong Bayani. Kapag tinatanong kasi ako noon kung ano ang trabaho ng tatay ko, ang lage kong sagot " OFW siya. " Pero dati ang babaw lang ng ibig sabihin sakin noon, isang taong nagtratrabaho sa ibang bansa dahil walang mahanap sa Pilipinas. Pero ngayon na isa na ako sa kanila, mas naintindihan ko tunay na pinagdadaanan nila. Mas humanga ako dahil hindi biro ang mamuhay na malayo sa buhay na kinalakhan mo. Mas nakita ko ang tunay na mundo ng namumuhay mag-isa. Sobrang hirap pala, nakakabilib.

ISANG TAON na akong nasa estrangherong lugar. Bagong mundo, ibang kultura at mga paniniwala. Pero dahil dayuhan lang ako, ako ang dapat makisama. Ako ang dapat mag-adjust. Bansa nila ito, sila ang tunay na may karapatan sa lahat ng bagay na umiikot dito. Pero diba pantay-pantay naman tayong ginawa ng Panginoon, kahit iba pa ang pinapaniwalaan mo, bandang huli ang magiging batayan naman ay kung nabuhay ka ba sa tamang paraan o hindi. Kung maayos mo bang ginamit ang buhay na pinagkaloob sa iyo o hindi. Dito madami akong nakitang tama pero mas madami akong nakitang mali. Pero hindi ako kumibo, hindi ako namilit na ipabago yun. Umiwas ako sa gulo, natatakot akong magkamali. Dahil iba sila dito, ibang-iba sa mundong ginagalawan ko dati. 

Madami nadin nagbago simula ng umalis ako ng Pilipinas. Madami ng nadagdag at nabawas. Madami ng nag-iba sa lumang ako. Kasabay ng mabilis na paglipas ng bawat araw ay ang paggulo at pag-ayos ng buhay ko. Pakiramdam ko tumanda na ako ng ilang taon. Nag-iisip na ng madaming beses bago gumawa ng isang desisyon. Marunong ng lumaban sa mga taong kung saktan ka lang ay para kang  kabote lamang na pwede tapakan. Nakakaya ko ng tumayo sa mga pagkakataong nadadapa ako. Nalalagpasan ko na ang mga problemang akala ko dati ikakamatay ko kapag nawala. Nalaman kong hindi umiikot ang mundo para sa isang tao lamang, madaming mas importanteng bagay ang naghihintay lang ng pansin mo.

Sa mga nabanggit kong PAGBABAGO, sobrang nagpapasalamat ako sa mga taong tumulong sa akin. Sa mga LUMANG tao sa buhay ko na kasama ko simula't sa umpisa. Mga taong kilala na ako mula ulo hanggang paa. Tinanggap ang maganda at panget na ugali ko. Mga taong kasama kong naging mahina at bumangon ulit. Iba ang tatak na meron kayo sa puso ko. Hindi na pwedeng alisin ng kahit na ano pa. Para naman sa mga BAGONG tao sa buhay ko, sobrang saya ko at nakilala ko kayo. Hindi ko alam kung paano papasalamatan ang Mahal na Panginoon na pagbibigay Niya ng mga taong inalalayan ako ng mabigla ako bagong mundo ko ngayon. Mga taong nagsilbing pamilya, kaibigan, kai-bigan, kalaro at kakampi ko.Mga taong hulog talaga ng langit sa akin.

ISANG TAON ng pag-iyak at pagtawa...
ISANG TAON ng pagbagsak at pagtayo muli...
ISANG TAON ng pagkakaibigan...
ISANG TAON ng pakikipaglaban at pagmamahalan...

Mahal na mahal ko kayong lahat. Sana kahit paano napasaya kayo ng isang tulad ko. Alam ko nainis, nakulitan,nairita ka sa akin, pero alam ko naman na mas minahal mo ako. ( Umoo ka na lang, please...?!)

Masaya ako at nakilala kita...Oo Ikaw nga.(^_^)

KAMPAY sa ISANG TAON KAIBIGAN!



2 comments:

  1. Sorry sa lahat.. Nangyari man un hnd ibig sabhin bali wala ka lng.. Sorry

    ReplyDelete
  2. Sorry sa lahat.. Alam ko nasaktan kita.. Nangyari man un hnd ibig sabhin na bali wala ka lang sorry,, I'm happy na ok ka.. At naka brace ka na.. Sosyal.. Sorry ulit..

    ReplyDelete